Posibleng bawasan na nang hanggang siyamnapung (90) porsyento ng Department of Labor and Employment o DOLE ang deployment ng mga construction worker sa ibayong dagat.
Ito, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ay bilang solusyon sa kakulangan ng mga construction worker sa bansa.
Umapela rin aniya sa DOLE ang mga nasa construction industry na pansamantalang ipatigil ang pagpapadala ng mga construction worker sa ibang bansa dahil sa manpower shortage.
Sa katunayan ay noon pang isang taon sinimulan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na bagalan ang pagpo-proseso ng mga ipinadadalang construction worker.
Posibleng tumagal ito ng tatlong taon o hanggang sa katapusan ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
—-