Namemeligro umanong mauwi sa humanitarian crisis ang deportasyon ng mahigit 40K overstaying POGO workers sa bansa.
Inamin ito ni Justice secretary Jesus Crispin Remulla sa budget hearing sa Senado.
Ibinatay anya ang datos sa 216 Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na hindi na nag-renew ng lisensya kung saan aabot sa average na 200 chinese workers mayroon ang mga ito.
Ayon kay Remulla, hindi basta tatanggapin ng China ang mga POGO worker dahil mayroong protocol at kondisyon na dapat dumaan sa testing procedures ang mga pababalikin sa kanilang bansa kaya’t posibleng magkaroon ng humanitarian crisis.
Halimbawa na lamang nito ang nangyari sa Quezon City Police Station kung saan isang taong itinira sa isang bahay ang nasa 300 nahuling Chinese na natagalan ang deportasyon dahil may COVID-19 pandemic.
Mag-uusap anya sila ng Ambassador ng China upang maresolba ang naturang issue.
Tinanong naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung maaaring magkusang umuwi sa China ang mga illegal staying na sa halip na gobyerno ng Pilipinas ang mag-asikaso sa kanila.
Gayunman, aminado ang kalihim na takot ang mga Chinese dahil kapag umuwi sila at nakumpirma na naging POGO worker ay hindi na sila makabibiyahe muli palabas ng tsina bukod pa sa mga multa nilang babayaran. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)