Sinimulan na ng pamahalaan ang deportation sa mga Chinese na nagtatrabaho sa mga hindi lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firms.
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na umalis ang unang batch ng deportees, na binubuo ng walong Chinese, sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight PR-316 patungong Wuhan, China sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2, kahapon.
Itinurn-over ang walong overstaying na dayuhan ng Pampanga Provincial Police Office sa Bureau of Immigration (BI).
Personal namang sinaksihan ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla at Immigration Commissioner Norman Tansingco ang pag-alis ng mga Chinese POGO worker.
Kamakailan ay binigyan ng DOJ ang nasa 49,000 Chinese na nagtatrabaho sa mga illegal pogo firm ng 59 na araw upang boluntaryong umalis ng Pilipinas makaraang kanselahin ang kanilang visa. - mula sa ulat nina Aya Yupangco (Patrol 5) at Raoul Esperas (Patrol 45)