Pinayagan ng Korte Suprema si Mary Jane Veloso na tumestigo laban sa kaniyang recruiters sa pamamagitan ng isang deposition mula sa Indonesia.
Pinaboran ng third division ng High Tribunal ang petisyong kumukuwestyon sa desisyon ng Court of Appeals na nagbabaligtad sa resolusyon ng Nueva Ecija Regional Trial Court (RTC) na nagbibigay ng go -signal kay Veloso na tumestigo laban sa kaniyang recruiters.
Ang desisyon ng mababang korte ay lumabas ilang linggo bago ang huling pagkakataon ng prosecution na magharap ng mga testigo laban kina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na kapwa nahaharap sa mga kasong human trafficking, illegal recruitment, at estafa.
Binigyang diin ng Korte Suprema na paglabag sa karapatan ni Veloso sa due process ang hindi pagpayag na tumestigo ito laban sa kaniyang mga recruiters.
Itinakda ng lower court sa October 28 ang huling pagdinig para sa paglalatag ng mga ebidensya ng prosecution.