Muling nahalal si Deputy Speaker at TUCP Partylist Representative Raymond Democrito Mendoza bilang National President ng Veterans Federation of the Philippines Sons and Daughters Association, Inc. (VFP-SDAI) sa katatapos lamang na halalan at national assembly na ginanap sa Cebu. Kasama niyang muling nahalal bilang National Executive Vice-President si Miguel Angelo Villa-Real, FVP ng Veterans Bank.
Si Mendoza ay anak ng kilalang lider manggagawa at beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig na si Democrito Mendoza, samantalang si Villa-Real ay apo ng beterano ng WWII at dating kongresista at Department of Education (DepEd) Undersecretary Andres Clemente Jr.
Sa kanyang bagong dalawang taong termino, nangako si Mendoza na ipagpapatuloy ang adbokasiya ng VFP-SDAI na ipaglaban ang mga karapatan at interes ng mga Pilipinong beterano, pati na rin ang kanilang mga balo at naulila. Layunin din ng VFP-SDAI na magtanim ng pagmamahal sa bayan at patriotismo sa kanilang mga miyembro at sa publiko sa pamamagitan ng iba’t ibang distrito at sangay nito sa buong bansa.
“Our immediate aim right now is to help strengthen the relations between various veterans groups around the nation, both government and private. With a unified stand, can we strongly push for reforms and programs that would benefit the veterans and their families,” ani National President Mendoza.
Itinatag noong 1988, ang VFP-SDAI ay isang non-stock, non-profit, at non-sectarian na korporasyon at isang auxiliary unit ng Veterans Federation of the Philippines (VFP). Ito ang pambansang samahan ng mga direct descendants ng mga Pilipinong beterano mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.