Tulad ng inaasahan, hindi kinilala ng China ang naging desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands.
Ito’y makaraang masungkit ng Pilipinas ang paborableng desisyon hinggil sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Chinese Foreign Minister Wang Yi, walang bisa at walang umiiral na kapangyarihan ang tribunal para magpasya sa nasabing usapin.
Tinawag din ni Wang na iligal at bias ang naging hakbang ng international tribunal na pumapabor sa Pilipinas.
Samantala, idinaan ng china sa cartoons ang pang-aalaska nito sa Pilipinas makaraang ilabas ng UN Arbitral Tribunal ang desisyon nito kaugnay sa West Philippine Sea.
Batay sa illustration na lumabas sa Xinhua News Agency, tinawag na peke ng mga animal cartoon characters ang naging pasya ng Arbitral Court at iginiit na wala silang hurisdiksyon sa usapin.
Panda at hippopotamus ang kumakatawan sa China habang unggoy naman ang naglalarawan sa Pilipinas sa nasabing cartoon.
Nakasaad din sa nasabing cartoon ang iba’t ibang tugon ng China sa ilang punto na ipinarating ng Pilipinas sa Tribunal na anila’y walang batayan.
Binigyang diin pa rito ang sagot ng China na hindi lahat ng isla o bahurang malapit sa Pilipinas ay nangangahulugang pagmamay-ari na ng Pilipinas.
By Jaymark Dagala