Hinihintay na ng mga Jeepney operator, driver at mga mananakay ang magiging pasya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa hirit na dagdag-pasahe.
Ito’y sa gitna ng hindi maawat na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod na pinalala pa sagupaan ng Russia at Ukraine.
Sa isinagawang hearing kahapon sa hiling na pansamantalang ibalik ang P10 na minimum na pasahe sa jeep, wala pang naging desisyon ang LTFRB sa dalawang magkahiwalay na petisyon na itaas sa P14 hanggang P15 ang base fare sa NCR, Regions 3 at 4.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, submitted for resolution na ang hiling na ibalik sa P10 ang minimum jeepney fare mula sa kasalukuyang P9 habang ang ibang hiling ay diringgin sa March 22.
Kabilang sa mga humihiling na ibalik sa P10 ang pasahe ang mga transport groups na 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines at Alliance of Concerned Transport Organizations.
Hinihiling naman ng liga ng transportasyon at operators sa Pilipinas ng P15 na minimum fare.
Iginigiit ng mga transport group na hindi na nila kinakaya ang sobrang taas ng presyo ng diesel kaya’t panahon na upang itaas ang pasahe lalo’t lumiliit na ang kanilang kita.
Samantala, mananatili muna sa P9 ang minimum na pasahe sa jeep hangga’t wala pang resolusyon.