Posibleng sa buwan pa ng Marso mailabas ng Land Transporation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang desisyon para sa lahat ng mga petisyong humihiling ng dagdag pasahe.
Ito’y ayon sa LTFRB ay kahit pa nagsimula nang sumipa ang presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng pag-iral ng ipinasang tax reform law ng administrasyong Duterte.
Una nang naghain ng kanilang petisyon hinggil sa taas singil ang Transport Network Company (TNC) na Grab gayundin ang Philippine National Taxi Operators Association (PNTOA).
Paliwanag ni LTFRB Spokesperson, Atty. Aileen Lizada, kinakailangan nilang pakinggan ang lahat ng panig partikular na ang mga komyuter bilang bahagi aniya ng proseso subalit kinakailangan din nilang matiyak na kaakibat ng taas pasahe ang pagpapaganda sa serbisyo sa publiko.
Una nang iginiit ng Department of Finance o DOF na wala pang pangangailangan para humirit ang mga transport group ng taas pasahe.
Ayon kay Finance Secretary Sonny Dominguez, hindi pa apektado at wala pang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na bunsod ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN sa ngayon.