Posibleng dumiretso na sa Korte Suprema si Rizalito David, isang presidentiable at isa sa mga kumuwestyon sa citizenship ni Senador Grace Poe sa SET o Senate Electoral Tribunal.
Ayon kay David, kung wala namang teknikalidad ay hindi na siya maghahain ng motion for reconsideration sa SET at iaakyat na lamang niya ang kaso sa Korte Suprema.
Sinabi ni David na malinaw namang nagkaroon ng abuse of discretion sa SET dahil lahat ng bumoto pabor kay Poe ay pawang mga senador samantalang ang tatlong justices ng Supreme Court na mas maalam sa isinasaad ng konstitusyon ay nagsabing hindi natural born citizen si Poe.
“Malinis na sila, napagbigyan nila si Grace Poe, yan lang po naman ang ibig sabihin ng naging desisyon poncio pilatong pamamaraan, pag-aalis responsibilidad sa sarili mo, nakakalungkot po yun dahil sa isang bagay na nagangailangan ng desisyon na naaayon sa konstitusyon at naaayon sa batas, maghuhugas ka ng iyong kamay at ibabato mo sa ibang larangan na lang.” Ani David.
Sinabi ni David na bago pa inilabas ang desisyon ng SET ay mayroon na siyang agam-agam sa magiging boto ng mga senador na miyembro ng SET.
Maging ang mga senador aniya ay aminado na desisyong pulitikal ang nangyari sa kaso ni Poe at hindi nakabatay sa legalidad o isinasaad ng batas.
“Kung matatandaan niyo po nagbigay ng patikim kumbaga si Ginang Cynthia Villar nang sinabi niya na yung decision ukol dito sa kaso ni Grace Poe ay hindi purely legal, medyo nagulat na po ako nun, mukhang merong ibang nalulutong decision dito, kung babasahin niyo po ang desisyon kung natural born Filipino citizen si Grace Poe Llamanzares eh medyo nahirapan po akong intindihin ang lohika ng pagkakagawa nung desisyon na yun.” Pahayag ni David.
By Len Aguirre | Ratsada Balita