Pormal nang tinapos ng Korte Suprema ang oral arguments kaugnay sa mga petisyong inihain na kumukuwesyon sa ligalidad ng idineklarang Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Ayon kay Atty. Theodore Te, tagapagsalita ng high tribunal, minarapat ng mga mahistrado na magdaos ng internal deliberations o executive session dahil nasa diskresyon naman nila ito sa ilalim ng rules of court.
Dumalo sa ikatlong araw ng oral arguments sina Martial Law Administrator at Defense Secretary Delfin Lorenzana gayundin si AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año na isa sa mga implementor ng batas militar.
Nagkaroon ng pagkakataon na makpagpaliwanag sina Lorenzana at Año kasama ang iba pang mga commander ng AFP na may kinalaman sa opensiba ng militar sa Marawi at isinalang din sila sa pag-usisa ng mga mahistrado.
Kasunod nito, inatasan ng Korte ang magkabilang panig na magsumite ng kani-kanilang memoranda hanggang Hunyo 19 at inaasahang makapaglalabas na ng desisyon ang SC sa loob ng 30 o hanggang Hulyo 5.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo