Kinilala ng Commission on Human Rights (CHR) ang desisyon ng Supreme Court na ideklarang labag sa batas ang dalawang probisyon ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon kay CHR Spokesperson Jaqueline De Guia, umaasa silang bibigyang-linaw ng Korte Suprema ang natitirang “Contentious” provisions ng nasabing batas.
Kahit paano anya ay “welcome” naman sa CHR ang desisyon ng SC na ideklarang Unconstitutional ang bahagi ng Section 4 ng batas na nagbibigay-kahulugan sa terorismo;
At Section 25 hinggil naman sa pagtukoy sa mga indibidwal, grupo, organisasyon, o asosasyon bilang terorista, nagpopondo sa terorismo o isang terrorist group.
Naniniwala si De Guia na ang pasya ng SC ay patunay na ang aktibismo ay hindi isang uri ng terorismo, bagkus ay bahagi ng demokrasya, kung saan maaaring maghayag ang mga mamamayan ng kanilang mga saloobin.
Sa kabila nito, aminado ang CHR Official na ilang probisyon sa Anti-Terror Law, tulad ng warrantless arrest, ang isa sa kanilang mga pangamba.