Kinondena ng Turkey ang desisyon ng Estados Unidos na armasan ang mga Kurdish fighter ng Syrian Democratic Forces o SDF na nakikipag-laban sa ISIS sa Syria.
Umaasa si Turkish President Recep Tayyip Erdogan na babaguhin ng Amerika ang pasya nito sa oras na bumisita siya sa Washington DC para sa isang pulong kasama si US President Donald Trump sa susunod na linggo.
Ayon kay Erdogan, ang SDF ay extension ng rebeldeng grupo na Kurdistan Workers Party na mahigit tatlong (3) dekada nang nakikipaglaban sa Turkey at ikinukunsiderang “terrorist group” ng US at European Union (EU).
Anya, personal niyang tatalakayin ang issue kay Trump maging sa North Atlantic Treaty Organization Summit sa Brussels, Belgium sa Mayo 25 at igigiit na i-atras ang desisyon na armasan ang rebeldeng grupo.
By Drew Nacino