Posibleng ipaubaya na sa Local Government Units (LGUs) ang pagbubukas ng mga negosyo sa bansa.
Ito ang hiniling ni Deputy Speaker Bernadette Herrera kasabay ng rekomendasyon na tularan ang bansang Singapore sa hakbang na mamuhay ng ligtas sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Herrera, dapat pangunahan ng mga alkalde, konsehal at barangay officials ang mabilis at tiyak na pag-aksyon laban sa COVID-19.
Aniya, mas maalam ang mga LGUs sa kanilang mga lugar kung saan maaari silang maglatag ng mga paraan para sa ligtas na pagbubukas ng mga negosyo at pagbabalik sa mga nawalan ng trabaho.
Dagdag ni Herrera, maaari rin magtakda ng standards ang mga LGUs upang pati ang mga small at medium businesses ay makapagbukas na rin ng mga negosyo sa 100%.
Tiwala si Herrera na mas magagawa ito ng mga LGUs ng mas maayos at mas mabilis kumpara sa national government.