Inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na hindi umano kinunsulta sa kanilang tanggapan ang pagluluwag sa pagsusuot ng facemask ng Cebu City Government.
Matatandaang naglabas si Cebu City Mayor Michael Rama ng kautusan sa hindi pag-oobliga sa kanilang mga residente hinggil sa paggamit ng face mask laban sa covid-19.
Ito ay makaraang umabot sa 110% ang vaccination rate ng lungsod at napatunayan na ring epektibo ang mga bakuna laban sa virus.
Ayon kay Vergeire, hindi maaaring magpatupad ng sariling ordinansa ang isang lugar sa ating bansa habang ang ibang lugar ay nagpapatuloy parin sa implementasyon ng pagsusuot ng face mask.
Naniniwala si Vergeire na maraming borders sa Pilipinas ang maaaring pasukan ng mga dayuhan mula sa ibang bansa kaya posibleng tumaas parin ang panganib ng hawaan ng covid-19.
Iginiit ni Vergeire na dapat magkaroon ng one-nation approach ang bansa at hindi ang kaniya-kaniyang desisyon kung saan, maari lamang magpatupad ng pagtanggal ng facemask sa pampublikong lugar, kung nakitaan ng adequate protection ang populasyon sa pamamagitan ng pagbabakuna.
Sinabi ni Vergeire na hahayaan nila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang desisyon at paghawak sa naturang usapin.