Pinagtibay ng Korte Suprema ang naunang desisyon nito na payagang tumestigo ang Filipina death row prisoner na si Mary Jane Veloso laban sa kanyang mga recruiters sa isang hiwalay na kaso sa Pilipinas.
Sa isang resolusyon, tuluyan nang ibinasura ng Special Third Division ng mataas na hukuman ang inihaing motion for reconsideration ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang tagapagtanggol nina Cristina Sergio at Julius Lacanilao.
Kasalukuyang nakakulong sa Indonesia si Veloso matapos mahulihan ng dalawa’t kalahating kilo ng heroin sa loob ng kanyang luggage kaya’t pinatawan siya ng bitay ng korte sa nabanggit na bansa.
Naniniwala naman ang mga abogado ni Veloso na mako-convict ng korte sa Nueva Ecija ang mga nag-recruit sa kanya at maaaring makatulong ito upang maalis ito sa death row.