Hintayin na lamang ang magiging desisyon ng mga mahistrado hinggil sa quo warranto petition na inihain ng Office of Solicitor General laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Iginiit ito ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno sa gitna nang mga lumalabas na ulat na mas maraming mga mahistrado ang pabor sa nasabing petisyon para mapatalsik ang Punong Mahistrado.
Bukas nakatakdang ganapin ang special en banc session ng mga mahistrado, kung saan inaasahang pagbobotohan ang quo warranto case laban kay Sereno.
Kasunod nito, tiniyak ni Cruz na matagal nang nakahanda ang Punong Mahistrado na harapin ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kanya.
“Ang kanyang pananaw ay ang tanging pamamaraan sa ating konstitusyon para ma-hold siya accountable bilang Punong Mahistrado ay doon sa uspaing impeachment, kaya handa na po siya kaya siya nag-indefinite leave, she’s always been consistent in her position here, susundin niya ang proseso at ang tamang proseso po ‘yata sa pananaw ng marami ay ang impeachment hindi po ang quo warranto na ito.” Pahayag ni Cruz
(Balitang Todong Lakas Interview)
Motion for reconsideration
Handang maghain ng motion for reconsideration si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sakaling hindi pumabor sa kanya ang desisyon sa quo warranto petition laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Josalee Deinla, Spokesperson ni Sereno, gagawin ng Chief Justice ang lahat ng legal na hakbang upang ipaglaban ang kanyang karapatan.
Inihayag ito ni Deinla sa harap ng lumabas na ulat na walo hanggang labing isang mahistrado ng Korte Suprema ang boboto pabor sa quo warranto petition.
Sa kabila nito, sinabi ni Deinla na mas pinipili ni Sereno ang hindi ma-distract sa nasabing ulat at magpasya ng susunod na hakbang sa sandaling maibaba na ang desisyon.
Bukas Mayo 11 nagtakda ng special en banc session ang Korte Suprema upang di umano’y pagbotohan na ang quo warranto petition.
-Arianne Palma / (Balitang Todong Lakas Interview)