Walang nakikitang masama ang isang dating opisyal ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagpayag ng pamahalaan na makapagtayo ng kanilang pasilidad sa mga kampo militar ang Dito Telecommunity Corporation.
Ayon kay Retired B/Gen. Eliseo Rio, dating Usec. for operations ng DICT, naging patas naman ang gubyerno sa naging desisyon nito lalo’t dekada 90 pa aniya nang magsimulang magtayo ng cell sites ang mga telco sa military bases.
Magugunitang naging problema ng mga telco noong panahong iyon ang pagpapasabog ng New People’s Army (NPA) sa mga cell sites kaya’t mismong ang gobyerno na ang nag-alok sa mga telco na gamitin ang mga kampo para sa kanilang pasilidad.
Sa kasalukuyan, nasa 270 tore na ang naitayo ng dalawang higanteng telco sa bansa na Globe at Smart sa mga Kampo Militar gayundin ng pulisya sa buong bansa.
Giit pa ni Rio, hindi maaaring tanggihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Dito Telecommunity dahil magiging paglabag ito sa anti-competition law.