Hinding-hindi manggagaling sa Armed Forces of the Philippines o AFP ang mga napapabalitang tangkang destabilisasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay AFP Spokesman Major General Restituto Padilla, malabong mga sundalo ang magsasagawa ng destabilisasyon laban sa Pangulo dahil alagang-alaga nito ang militar.
Giit ni Padilla, damang-dama ng AFP na mayroon silang Commander-in-Chief na may tunay na malasakit sa mga kawal ng bayan.
Nagpasalamat naman ang AFP kay Pangulong Duterte kaugnay sa pangako nitong doblehin ang sahod ng mga sundalo, bukod pa sa mga karagdagang kagamitan sa kanilang operasyon laban sa mga kalaban ng pamahalaan.