Itinanggi ng Philippine National Police ang ulat na mayroong “destabilization” plot sa militar dahilan nang ipinatupad na full alert status ng ahensya.
Iginiit ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo na walang katotohanan ang kumakalat online na memorandum na nagsasabing nasa pinakamataas na alert status ang bansa.
Ito’y dahil umano sa mga isyu sa headquarters ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo.
Sa kabila nito, kinumpirma ni Fajardo na naka-heightened alert ngayon ang PNP kasabay ng Pista ng Itim na Nazareno.
Nilinaw din ng tagapagsalita ng Pambansang Pulisya na ang mga kumakalat na larawan ng mga armored vehicles sa loob ng kanilang headquarters sa Kampo Crame ay bahagi lamang ng seguridad sa pagdiriwang.
Samantala, ipinag-utos na ni PNP chief, Gen. Rodolfo Azurin Jr., ang imbestigasyon upang matukoy kung kanino nanggaling ang dokumento at inabisuhan ang publiko na huwag basta magbahagi ng impormasyon na hindi naman beripikado.