Dinoble ng South Korea sa isang bilyong dolyar ang ipinangako nitong official development assistance sa Pilipinas mula sa naunang limang daang (500) milyong dolyar.
Ito ang inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez kasunod ng isinagawang bilateral talks sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at South Korean President Moon Jae In sa Blue House sa Seoul.
Dagdag ni Dominguez, bukod sa ipinangakong official development assistance, magbibigay din aniya ng tulong ang South Korea para sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Una nang sinabi ni Philippine Ambassador to Seoul Raul Hernandez, ang South Korea ang ika-limang pinakamalaking official development assistance partner ng Pilipinas kung saan umabot na sa limang daang at pitumpung (570) milyong dolyar ang ipinautang at ipinagkaloob nito sa bansa.
—-