Nakapaloob sa Philippine Development Plan para sa susunod na anim na taon ng administrasyong Marcos ang pagtuon sa paglikha ng trabaho at paglaban sa kahirapan.
Ito ang sinabi ni National Economic Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Sarah Daway-Ducanes na sinisimulan na nilang buuin ang nasabing plano na nakabatay sa “Ambisyon Natin 2040″ tungo sa isang matatag, maginhawa at panatag na buhay ng bawat Pilipino.
Ayon kay Ducanes, tututukan ng gobyerno ang malinaw na innovation system sa paglikha ng maraming trabaho na magbibigay ng panibagong ideya, produkto at proseso para sa economic transformation ng bansa.
Tatlong bagay naman ang tututukan ng pamahalaan sa pagbawas sa antas ng kahirapan.
Una na rito ang pagbubukas ng ekonomiya, pangalawa ang paglikha ng investments sa human capital, social development at social protection habang ang panghuli ay ang pagbabago sa sektor ng produksyon para makalikha ng mas mataas na kalidad na trabaho at produkto.