Hindi magic pill laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang paggamit ng low dose ng steroid treatment na Dexamethasone sa mga dinapuan ng nasabing virus.
Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos tila ipagmalaki ng British experts ang major breakthrough kaugnay sa anila’y posibleng kauna-unahang gamot laban sa COVID-19.
Sinabi ni Vergeire na hindi pa peer reviewed ng mga ka-level nilang experts ang naturang gamot para masabing katanggap-tanggap ang pag-aaral ng British experts kaya’t hindi ito uubrang maging magic pill.
Binigyang diin pa ni Vergeire na na ang low dose steroid ay epektibo lamang sa severe at critical cases.
Nangangahulugan ito aniyang gumagana ang nasabing gamot sa mga kailangan ng oxygen at sa mga naka-ventilator at hindi ito iinumin lamang ay makakaiwas o mawawala na ang COVID-19.
Inihayag pa ni Vergeire na supporting treatment lamang ang low dose dexamethasone dahil wala pang gamot sa COVID-19 subalit kapag nakumpleto na ang proseso ay maituturing na itong breakthrough sa science.