Nangangamba ngayon ang grupong Migrante International sa kapalarang naghihintay sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa bansang Kuwait.
Ito’y matapos lumikha ng kontrobersiya ang ginawang pagsagip ng mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa mga inaabusong Overseas Filipino Workers o OFWs doon kung saan nag-viral pa ito sa social media.
Ayon kay Arman Hernando, tagapagsalita ng grupo, hindi lamang sa Kuwait government dapat humingi ng tawad si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano kung hindi sa mga Pinoy na tahimik na nagtatrabaho sa naturang bansa.
Posible aniya kasing malagay pang lalo sa mas mapanganib na sitwasyon ang buhay ng lahat ng mga OFW sa nasabing bansa at posible ring mapag-initan ang mga ito.
Magugunitang humingi na ng pumanhin si Cayetano sa nangyari sa pamahalaan ng Kuwait subalit agad namang pinalayas at idineklarang persona non grata ang kinatawan doon ng bansa na si Ambassador Renato Pedro Villa.
—-