Dismayado ang DFA o Department of Foreign Affairs sa 38 mga estado na miyembro ng United Nations Human Rights Council kasunod ng panawagan ng UNHRC sa gobyerno ng Pilipinas na tuldukan na ang pagpatay sa ilalim ng operasyon kontra iligal na droga at makiisa sa isasagawang imbestigasyon ukol dito.
Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, nakapanghihinayang na tuloy pa rin ang pagtutol ng Iceland at iba pang bansa sa kabila ng imbitasyon ng gobyerno na bisitahin ang Pilipinas upang makita nila ang tunay na sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
Mukha aniyang hindi interesado ang naturang mga bansa na makita ang katotohanan at sa halip ay mas nais pa nilang maniwala sa maling impormasyon na pinapakalat ng ilang grupong namumulitika lamang.
Binigyang diin ni Cayetano na ang pulitika ay pulitika ngunit kung pupulitikahin ang usapin ng human rights ay magdudulot ito ng panganib sa buhay ng mga mamamayan.