Nagsagawa ng emergency meeting ang Department of Foreign Affairs (DFA) kasama ang mga opisyal ng Department of Health (DOH).
Ayon sa DFA, tinalakay sa pulong ang mga estratehiyang maaaring gamitin ng pamahalaan sakaling magkaroon ng mga emergency bunsod ng outbreak ng novel coronavirus (2019-nCoV) sa China at iba pang mga bansa.
Humingi rin ng guidelines o patnubay ang DFA sa DOH hinggil sa ipatutupad na protocol sakaling kailanganin na ang evacuation at repatriation ng mga Filipino sa Wuhan City at iba pang mga lugar sa China na apektado ng virus.
Gayundin ang pagbalangkas ng mga karagdagang abiso para sa mga Filipinong nagtatrabaho o naninirahan sa mga bansa apektado ng nCoV at paglalagay ng hotline ng DOH sa bawat foreign service post ng Pilipinas sa China.
Sa kasalukuyan, umaabot sa 150 mga Filipino ang nasa Wuhan City.