Hiniling ng Pilipinas sa pamahalaan ng Kuwait ang palawigin pa nang hanggang tatlong buwan ang kanilang amnesty program para sa mga hindi dokumentadong Overseas Filipino Workers o OFWs sa nasabing bansa.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, sa kasalukuyan ay mahigit 2,000 mga OFW pa lamang ang na-repatriate na ng DFA at Department of Labor and Employment o DOLE mula sa Kuwait.
Meron pa aniyang aabot sa 10,000 mga overstaying OFW sa Kuwait ang hindi pa naibabalik sa Pilipinas.
Dagdag ni Cayetano, sa kanyang pakikipagpulong kay Kuwaiti Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh, nangako ito na gagawin ang lahat para mapagbigyan ng Kuwaiti government ang hiling ng Pilipinas.
Sinabi pa ni Cayetano na kumikilos na rin ang iba pang mga bansang may maraming OFWs para mas mapa-igting ang pagtiyak sa seguridad at kalagayan ng mga Filipino.
—-