Bilang kasapi ng House Committee on Foreign Affairs, nanawagan si KABAYAN Party-list Representative Ron P. Salo sa Department of Foreign Affairs na kanselahin na ang mga pasaporte ng lahat na suspek sa hazing, torture na nauwi sa pagkamatay ng aplikante ng Aegis Juris Fraternity na si Horacio “Atio” Castillo, III.
“Naiulat na nakalabas na ng bansa ang isang suspect. Huwag na dapat hayaang makatakas ang iba pa. Iyong nakaalis na ng bansa ay dapat maging limitado na ang galaw at hindi na dapat makapag-biyahe at makapgpalipat-lipat ng bansa gamit ang kanyang Philippine passport,” giit ni Salo.
Inirekomenda din ni Salo sa National Bureau of Investigation at sa sangay ng Philippine National Police na humahawak sa kaso na makipag-ugnayan sa international police agencies, “dapat mayroong nang Interpol alert para sa suspek na nakalabas na ng bansa.”
Ipinayo din ni Salo sa Department of Justice na ilagay sa watch list ng Bureau of Immigration ang mga suspek para di sila maka-iwas sa patuloy na imbestigasyon at kalauna’y paglilitis.
SMW: RPE