Hiniling na ng Department of Foreign Affairs ang Executive Clemency o Pardon para sa convicted Pinay na si Mary Jane Veloso, na hinatulan ng kamatayan sa kasong drug smuggling.
Kinumpirma ni Press secretary Trixie Cruz-Angeles na kabilang ang Clemency at Pardon sa mga tinalakay nina Foreign affairs secretary Enrique Manalo at counterpart nitong si Indonesian Foreign Minister Retno Marsudi sa Jakarta.
Kasabay ito ng State visit ni Pangulong Bongbong Marcos kay Indonesian president Joko Widodo, noong linggo.
Isasangguni muna anya ni marsudi sa kanilang Ministry of Justice ang kaso ni Mary Jane.
Samantala, tiniyak ni Angeles na tuloy-tuloy ang pagbigay ng Consular Services ng Philippine Embassy kay Veloso na nasa mabuting kalagayan sa Wonosari Women’s Penitentiary sa Yogyakarta.