Naglabas na ng kautusan si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa embahada ng Pilipinas sa London na idulog na sa London-based International Maritime Organization o IMO ang “hit and run” incident sa pagitan ng China at Philippine fishing vessels sa Recto Bank sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Locsin, na may kalayaan ang China na gawin ang lahat ng paraan na gusto nitong gawin kaugnay sa insidente dahil may sarili din aniyang bersyon ang gobyerno ng Pilipinas upang ipagtanggol ang soberenya ng bansa.
Samantala, tanging “noted” lamang ang tugon ni Locsin sa inilabas na statement ng China hinggil sa nangyaring collision incident sa pinagtatalunang teritoryo.
Kaugnay nito, nag post din si Locsin ng statement ng DFA ukol sa panawagan ng IMO sa mga kasapi nilang bansa at ng United Nations na patuloy na bantayan at protektahan ang buhay sa karagatan sa panahon na may mga disgrasya.