Kumpiyansa ang Department of Foreign Affairs (DFA) na matibay ang inihaing argumento ng Pilipinas sa United Nations-Arbitral Tribunal laban sa China kaugnay sa territorial dispute sa Spratly Islands.
Ayon kay DFA Spokesman at Assistant Secretary Charles Jose, malinaw na may hurisdiksyon ang Tribunal sa kasong isinampa ng Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ni Jose na hindi kasama sa mga tinalakay sa oral arguments sa The Hague, Netherlands ang mga ginagawang reclamation activities ng China sa West Philippine Sea.
Ipinaliwanag ni Jose na ang tanging tinalakay ng Arbitral Tribunal ay ang isyu ng hurisdiksyon ng reklamo gayundin ang interpretasyon ng UNCLOS.
Inaasahan naman aniyang maglalabas ng desisyon ang Tribunal bago matapos ang taon.
“Kasi po yung reclamation ng China, ginawa po nila ito right after nagsampa po tayo ng arbitration case, so hindi poi to nakasama sa ating kaso, pero kung tatanungin po tayo ng court tungkol sa mga reclamation na ginagawa ng China, handa po nating sagutin ito.” Pahayag ni Jose.
By Drew Nacino | Katrina Valle| Ratsada Balita