Itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ulat na ipinatawag ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas sa Australia ang isang Pinay na kasalukuyang nasa nabanggit na bansa.
Kaugnay ito ng umano’y social media post ng Pinay na nananawagan sa Abu Sayyaf Group para patayin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa DFA, hindi kailanman nakipag-ugnayan ang mga diplomatic at consular missions ng Pilipinas sa Australia sa Pilipinang si Carmela Buan Laxina.
Tugon ito ng kagawaran sa pahayag ng isang Josef Leroi Garcia na nagsabing ipinatatawag umano ng Philipine embassy sa Australia na kaulana’y naging consulate sa Sydney ang kanyang pamangkin na si Laxina para kuwestiyunin.
Dagdag ng DFA, nananatili ring hindi kumpirmado ang alegasyon dahil walang maibigay na patunay at impormasyon hinggil sa nabanggit na tawag tulad ng pangalan, araw, oras at numero ng telepono.