Kasalukuyan pang inaalam ng DFA o Department of Foreign Affairs kung may Pilipinong nadamay sa London attack kung saan sakay ng van inararo ng mga salarin ang mga taong dumadaan sa London bridge at pinagsasaksak ang mga tao sa kalapit na Borough market area.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Robespierre Bolivar, wala pang impormasyon sa ngayon hinggil sa pagkakakilanlan at nationalities ng mga nasawi at nasugatan sa naturang insidente.
Sinabi ni Bolivar na mahigpit ang kanilang pakikipag-ugnayan ngayon sa Filipino community sa United Kingdom.
Pinayuhan ng DFA ang mga Pinoy sa UK na iwasan muna na magtungo sa London Bridge at Borough area.
Batay sa ulat ng pahayagang “SUN”, pito ang pinangangambahang nasawi sa London attack habang nabaril hanggang sa mapatay naman ng mga pulis ang dalawang salarin.
By: Meann Tanbio / Ralph Obinia