Nananatiling ligtas ang mga Pinoy na nasa South Korea sa sakit na Middle East Respiratory Syndrome o MERS virus.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Charles Jose, wala pang Pinoy ang napapaulat na tinamaan ng naturang nakamamatay na sakit o kaya ay kabilang sa mga naka-quarantine.
Sinabi ni Jose na patuloy naman ang pagpapaalala ng embahada ng Pilipinas sa mga Pinoy doon lalo na sa mga Pilipinong health workers na mag-ingat upang di tamaan ng sakit na MERS virus.
Sa tala ng DFA, aabot sa 53,000 hanggang 55,000 ang mga Pinoy na nasa South Korea.
“Ang ating embassy sa Seoul ay patuloy pong mino-monitor very closely ang sitwasyon sa South Korea at patuloy po silang may ugnayan po sa ating Filipino community, noong June 2 ay naglabas ng advisory ang embassy na pinapaalalahanan po ang ating mga kababayan doon na mag-take ng extra precautionary measures para hindi po sila maka-contract ng virus.” Ani Jose.
Samantala, nanindigan naman ang DFA na wala pang pangangailangan para magpalabas ng travel advisory ang Pilipinas sa South Korea.
“Ayon naman po sa WHO ay hindi naman pandemic ang nangyayari sa South Korea at may mga ginagawang hakbang na po ang South Korean government para ma-address ang kasalukuyang situation doon.” Pahayag ni Jose.
By Ralph Obina | Kasangga Mo Ang Langit