Binalaan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang publiko laban sa mga indibidwal na nag-aalok ng trabaho bilang household service workers sa United Arab Emirates (UAE), Turkey at Europa, ngunit wala namang ibibigay na ligal na working visa.
Ayon sa DFA, base sa nakuha nilang impormasyon mayroong mga recruitment network sa Pampanga, Pasay City, Dubai, UAE at Erbil, Iraq ang mga naturang illegal recruiter.
May ulat umano na walong biktima ng human trafficking na mula sa nasabing recruitment agency ang nasa pangangalaga ng Philippine Embassy sa Baghdad simula pa noong nakalipas na buwan at nakatakdang na ngayong ipadeport pabalik ng Pilipinas.
Sa salaysay ng mga biktima, inalok sila ng mga illegal recruiter na ito ng job opening sa mga nabanggit na bansa at pinangakuan na ibibigay ang kanilang working visa kapag nakarating na sila sa Iraq.
Bunsod nito, isa sa mga biktima ang nabilanggo sa Basra Prison dahil sa tanging kurdistan visit visa lamang ang kanyang pinanghahawakan, na hindi umano valid para sa kanyang pananatili sa Basra simula pa noong July 2018.
Pahayag ng DFA, napalaya na ang nabanggit na biktima at inaasahang makababalik na ng bansa sa loob ng taong ito.
Pinayuhan naman ng DFA ang mga Filipinong naninirahan, nagtatrabaho at nagbabakasyon sa Iraq na hindi balido ang kanilang Kurdistan visas sa Baghdad, Basra o alinamang probinsya ng Iraq.
Patuloy namang pinaalalahanan ng DFA ang mga kababayan nating nais na mangibang bansa na tingnan muna sa website ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga rehistradong travel agency.