Nagpaabot ng pagbati ang Department of Foreign Affairs o DFA sa matagumpay at makasaysayang pulong nina US President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong Un na ginanap sa Singapore.
Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano, bagamat marami pang kakaharaping hamon, ipinakita ng paghaharap nina Trump at Kim ang kahalagahan ng diyalogo at diplomasya sa paghahanap ng resolusyon sa iba’t ibang isyu na kinasasangkutan ng dalawang partido.
Umaasa si Cayetano na magiging daan ang naturang pulong para maisakatuparan ang denuclearization at matamo hinahangad na kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Handa naman aniya ang Pilipinas na mag-ambag para sa katuparan ng naturang mga layunin.
Una rito, lumagda sa makasaysayang pulong sina Trump at Kim ng kasunduan para sa pagtatanggal ng lahat ng armas nuklear sa Korean Peninsula.
—-