Pumalag ang DFA o Department of Foreign Affairs sa tila paninisi sa kanila makaraang mabitay sa Kuwait ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jakatia Pawa.
Binigyang diin ni Assistant Secretary Charles Jose, Spokesman ng DFA na hanggang sa huling sandali ay nagsumikap sila na iligtas sa parusang kamatayan si Pawa.
Taong 2010 pa aniya nang pagtibayin ng Korte Suprema sa Kuwait ang parusang bitay laban kay Pawa subalit napigil ito ng pakiusap ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa Emir ng Kuwait.
Gayunman, nanindigan anya ang Emir ng Kuwait na puwede lamang mailigtas sa bitay si Pawa kung patatawarin ito ng pamilya ng kanyang biktima.
Bahagi ng pahayag ni DFA Assistant Secretary Charles Jose
Samantala, agad ring nailibing si Jakatia Pawa sa Kuwait.
Ayon kay Philippine Ambassador to Kuwait Rene Villa, agad dinala sa isang prayer hall ang labi ni Pawa matapos itong linisin ng undertaker upang maisagawa ang ritwal na naaayon sa relihiyon nito bago ilibing.
Sinabi ni Villa na mayroon namang marker ang libingan ni Jakatia kayat puwede itong dalawin ng kanyang mga kaanak at mga kaibigan.
Una rito, sinabi ni Lt. Col. Angaris Pawa, kapatid ni Jakatia na hiniling nila sa embahada sa Kuwait na tiyakin lamang na mailibing ang kanyang kapatid sa loob ng dalawampu’t apat (24) na oras matapos itong mabitay dahil ito ang patakaran sa relihiyon nilang Islam.
By Len Aguirre | Credit to: Ratsada Balita (Interview)