Ipinaliwanag ng Department of Foreign Affairs o DFA ang kahalagahan ng pagbisita sa bansa nina Japanese Empreror Akihito at Empress Michiko sa susunod na buwan, mula Enero 26 hanggang 30.
Sinabi ni DFA Assistant Secretary Charles Jose, na sisimbolo ito sa maganda at malapit na relasyon ng Pilipinas at Japan, bagay na sinusugan ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe, kung saan sinabi nito na kumbinsido siyang palalalimin pa ng pagbisita ang relasyon at pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Ani Jose, isa itong malaking karangalan sa Pilipinas lalo’t ito ang kauna-unahang official visit ng kasalukuyang emperor ng Japan.
Pagsalubong din aniya ang 5-araw na state visit sa 60-taong anibersaryo ng diplomatic relations ng dalawang bansa.
Patuloy pa rin namang isinasapinal ang itinerary ng pagbisita rito nina Emperor Akihito at Empress Michiko.
Simula nang matapos ang pagsakop ng Japan sa Pilipinas noong World War II mula 1942 hanggang 1945 ay naging maganda na ang relasyon ng dalawang bansa.
By Allan Francisco