Tiniyak ng malakaniyang ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Filipino community sa Hokkaido, Japan.
Ito’y matapos yanigin ng magnitude 6.7 na lindol ang naturang lugar kahapon ng umaga.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaalam na ng pamahalaan ang kalagayan ng mga Filipino duon.
Nais din tiyakin aniya ng pamahalaan na ligtas at walang nasaktan na mga Pilipino sa naturang insidente.
Ligtas ang mga Pilipino matapos ang pagtama ng magnitude 6.7 na lindol sa Hokkaido, Japan kahapon ng umaga.
Ayon kay Philippine Ambassador to Japan Jose Laurel V, sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na ulat kung may mga sugatan, nasawi o nawawalang Pinoy sa Hokkaido.
Sa ngayon ay nasa siyam na ang naitalang patay habang labing siyam katao ang patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad at nasa isandaan at dalawampu naman ang sugatan sa naturang pagyanig.
Naniniwala din si Laurel na mabilis na makakabangon dito ang Japan dahil sa kanilang kahandaan sa ganitong klaseng mga kalamidad.
Samantala, inatasan naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo, Japan para tulungan ang mga pilipinong posibleng naapektuhan ng lindol.