Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs ang publiko sa pakikipag transaksyon sa internet sa mga kumpaniya o tao na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa, partikular sa Portugal o sa anumang bansa sa Europa.
Sa advisory mula sa DFA, nabatid na patuloy pa ring nakatatanggap ng report ang embahada ng Pilipinas sa Lisbon sa Portugal kaugnay ng mga Pilipinong nabibiktima ng mga pekeng kumpaniya o law firms na nag-aalok ng trabaho.
Ang ilan pa, anila, sa mga pekeng kumpaniya ay nangangako na ipoproseso ang entry o visa permits para sa kunwaring trabaho sa pamamagitan ng pagpapadala ng salapi ng kanilang biktima gamit ang money transfer.
Kaya naman ayon sa DFA, dapat mag doble ingat ang publiko sa pakikipag usap sa mga hindi beripikadong tao o organisasyon upang hindi mabiktima ng scam.
Ayon sa DFA, ang sinumang Pinoy na nais magtrabaho sa Portugal ay dapat munang kontakin ang Portuguese Embassy na matatagpuan sa Jakarta, Indonesia.
By: Avee Devierte / Allan Francisco