Pinag-iingat ng Department of Foreign Affairs o DFA ang mga Pinoy sa Southern California kaugnay ng nararanasang malawakang wildfire doon.
Pinayuhan ng DFA ang mga Pilipino roon na sumunod sa mga awtoridad kung ipag-uutos ng mga ito ang paglikas upang hindi anila mapahamak sa mabilis na pagkalat ng sunog sa tatlong lugar sa California.
Tiniyak din ng DFA na masusi nilang binabantayan ang sunog sa Ventura at Los Angeles County kung saan posibleng maapektuhan ang may 115,000 mga Pinoy.
Una rito, nagdeklara na ng state of emergency si California Governor Jerry Brown matapos ilikas ang libu-libong residente sa mga apektadong lugar.
Sapilitang inilikas ang nasa 27,000 residente dahil sa mabilis na pagkalat ng wildfire.
Ayon sa ulat, isang bumbero na ang nasugatan habang nasa 150 istruktura na ang nasisira dahil sa naturang sunog.
Malakas na hangin ang itinuturong dahilan ng mabilis na paggapang ng apoy.
Nasa mahigit 1,000 bumbero ngayon ang nakikipagbuno sa apoy na tumupok na sa mahigit 18 ektarya ng lupain.
—-