Pursigido ang Department of Foreign Affairs (DFA) na araw-arawin ang paghahain ng diplomatic protest.
Ito, ayon sa DFA, ay kapag patuloy na nagmatigas ang China na alisin ang mga barko nito sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ng DFA na araw-araw nilang igigiit sa China na ang nasabing bahura ay bahagi ng karagatan ng Pilipinas dahil sakop ito ng Exclusive Economic Zone ng bansa.
Kasabay nito, tila sinermunan ng DFA ang mga pinatawag na opisyal ng Chinese Embassy matapos tawaging ‘unprofessional’ si Defense Secretary Delfin Lorenzana sa isyu ng pagpapaalis sa mga nasabing Chinese militia vessels.
Ipinaalala ng DFA sa mga opisyal ng Chinese Embassy na bisita lamang ang mga ito kaya’t dapat sumunod sila sa protocol na naaayon sa respeto sa mga opisyal ng bansa.