Tinawag na iligal ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagligid ng daan-daang Chinese vessel sa Pag-asa Island.
Ito’y matapos kumpirmahin na pinapalibutan ng mga naturang vessels ang pinagtatalunang teritoryo mula pa noong Enero.
Giit ng DFA, kabilang sa Kalayaan Island group na isang teritoryong kontrolado ng Pilipinas ang Pag-asa Island.
Paglabag anila ang ginawang hakbang ng Tsina sa soberaniya at karapatan ng bansa.
Nanawagan naman ang DFA sa Tsina na tumupad sa kasunduan ng dalawang bansa noong bumisita sa Pilipinas si Chinese President Xi Jinping na huwag gumawa ng anumang hakbang na makapagpapalala ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.