Mahigpit na tinututukan ng DFA o Department of Foreign Affairs ang mga kaganapan at development sa West Philippine Sea at South China Sea.
Ito ang inihayag ng kagawaran kasunod ng ulat na nagdeploy ng mga long range bombers ang China sa isa sa mga artipisyal na isla nito sa naturang pinag-aagawang teritoryo bilang bahagi ng kanilang training exercise.
Sa ipinalabas na pahayag ng DFA, iginiit nito na meron na silang ginagawang mga kinakailangang diplomatic actions para maprotektahan ang mga teritoryo ng Pilipinas at mga lugar na meron tayong sovereign rights.
Nandigan din ang kagawaran na hindi kabilang sa kanilang polisiya ang isapubliko ang bawat hakbang ng pamahalaan ng pilipinas sa bawat pagkilos na nagaganap sa West Philippine Sea at South China Sea.
Patuloy din anilang ipaglalaban ang karapatan ng Pilipinas na nakasaad sa UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the sea.
Hangad din anilang makabuo ng isang epektibo at komprehensibong code of conduct na magtataguyod sa kapayapaan, pagkakaisa at katatagan sa West Philippine Sea at South China Sea.