Tutol ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa muling pagsasailalim sa 14-day quarantine ng mga Filipino seafarers na nakabalik na ng bansa sakay ng mga cruise ships.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin Jr., hindi na dapat sumailalim pa sa qurantine ang mga nabanggit na Filipino seafarers dahil katumbas na rin ng self-quarantine ang tagal ng biniyahe nila sa karagatan pabalik ng Pilipinas.
Aniya, sabik nang makauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang umaabot sa 6,000 mga marinong Pinoy na nananatili pa ring sakay ng mga cruise ships sa bahagi ng Manila Bay.
Una nang inatasan ng Bureau of Quarantine ang nabanggit na Filipino seafarers na muling sumailalim sa 14-day quarantine sa loob ng kani-kanilang cabin bago payagang makadaong ang kanilang sinasakyang barko sa pier ng Maynila.
Ang mga nabanggit na cruise ships na may sakay sa mga Filipino seafarers ay nanggaling ng Australia, Indonesia at Japan.