Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Filipino ang nakasakay sa eroplano ng Biman Bangladesh nang tangkain itong i-hijack ng isang kahina-hinalang pasahero.
Ayon sa ulat ng embahada ng Pilipinas sa Dhaka, Bangladesh, patungong Dubai mula Chittagong ang eroplano ng Biman Bangladesh nang bumalik ito at nag-emergency landing.
Ito ay makaraang maglabas ng baril ang isang pasahero matapos magtake-off ng Biman Bangladesh flight BG-147 at tangkaing i-hijack ang eroplano.
Tiniyak naman ni Bangladeshi Civil Aviation and Tourism Secretary Mohibul Haque, ligtas na nailabas sa eroplano ang nasa isang daan at apatnapung (140) pasahero nito habang naaresto naman ang suspek.
—-