Nagbabala sa publiko ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) hinggil sa maling impormasyon at mga detalyeng lumalabas online kaugnay sa Pambansang Pabahay program ng pamahalaan.
Ayon kay DHSUD secretary Jose Rizalino Acuzar, walang pribadong indibidwal o grupo ang awtorisadong magsagawa patungkol sa pambansang pabahay sa ilalim ng kanilang ahensya.
Sinabi ni Acuzar, na hindi dapat basta-basta naniniwala ang publiko sa mga lumalabas na pekeng mga balita at tanging sa lehitimong sites lamang mag-pasa ng aplikasyon hinggil sa national housing para sa mga Pilipino.
Dagdag pa ng kalihim na bukod sa kanilang ahensya, maari lamang mag-inquire o magtanong ang publiko sa mga lokal na pamahalaan kaugnay sa naturang programa.
Kabilang pa sa maaring pagtanungan na ahensya ang home development mutual fund or Pag-IBIG fund; Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation at ang National Housing Authority (NHA).
Sinabi naman ni Acuzar na handa silang bigyan ng naa-angkop na aksiyon ang sino mang mahuhuling lumalabag sa programa ng pamahalaan.
Sa kabila nito, iginiit ng opisyal na handang tumulong ang kanilang ahensya para maabot ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng disente, ligtas, abot-kaya at sariling tirahan.