Tila isinisisi ngayon ni Vice President Jejomar Binay ang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III kung bakit hindi nalikom ang kabuuang blood money para sana kay Joselito Zapanta.
Si Zapanta ay ang OFW na binitay sa Saudi Arabia matapos hindi makumpleto ng pamilya nito ang P48 million pesos na blood money na hiningi ng biyuda ng Sudanese na kaniyang napatay.
Ayon kay VP Binay, kung sana ay kumilos ang Malacañang sa kanyang proposal noong 2012 hinggil sa sistema ng paglikom at pagbayad ng blood money para sa mga nahatulan ng kamatayan na OFW ay malaking tulong sana ito sa mga kagaya ni Zapanta.
Noong Marso ng 2014 aniya ay ipinag-utos ni Pangulong Aquino ang pag-aaral sa mga panuntunan upang mabigyang-tulong ang mga distressed OFW.
Ito’y sa kabila aniya ng nauna niyang pagprisenta ng kanyang proposal noong 2012 pa na hindi rin naman inaksyunan ng pamahalaan.
Giit ni Binay, hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa rin ang guidelines na ito patungkol sa paglikom ng blood money.
By Allan Francisco