Hiniling ng grupong Citizen’s Crime Watch sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na imbestigahan ang dumaraming bilang ng mga “colorum” o illegal na courier service sa Bansa.
Ayon sa grupo, dapat maimbestigahan ng DICT kung paano nakapag-ooperate ang mga illegal na courier services nang hindi dumaan sa mahigpit na pagbusisi ng kagawaran.
Nakasaad din sa isinumiteng liham nila CCW President Diego Magpantay at Legal Panel Chief nilang si Atty. Ferdinand Topacio nitong Lunes na dapat ding managot ang mga opisyal ng DICT na nagpabaya sa tungkulin kaya’t patuloy ang pamamayagpag ng mga illegal na Courier Firms.
Batay sa datos ng CCW umaabot sa mahigit 100 ang delivery services sa bansa na pawang mga walang lisensya at hindi nakarehistro sa DICT ang patuloy sa kanilang illegal na operasyon.
Kabilang sa tinatawag na “big players” ay kumikita ng aabot sa daan-daang milyong piso at sinasabing pagmamay-ari ng mga dayuhan na isang mabigat na paglabag sa mga batas ng Corporation Code.
May mga lisensiyadong courier services din ayon sa CCW na nakarehistro lamang dapat sa National Capital Region (NCR) subalit nag-ooperate din sa iba’t-ibang lalawigan sa bansa.
Ang 31 taong CCW ay itinatag ni Atty. Jose Malvar Villegas at ito ay nagharap at nanalo sa maraming kasong laban sa katiwalian, kabilang ang mga kasong iniharap laban kina dating Presidente Joseph Estrada at Benigno Aquino III, Sen. Leila de Lima, DTI Secretary Ramon Lopez at maraming iba pa.
TINGNAN: DICT kinalampag dahil sa pamamayagpag ng mga illegal na Courier Firms sa bansa | via @jaymarkdagala pic.twitter.com/fNrOCFI6qM
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) February 4, 2020