Nangangamba ang Department of Information and Communications Technology sa pag-usbong ng Artificial Intelligence (AI).
Ito ang inihayag ni Information and Communications Secretary Ivan John Uy, na nakakaalarma ang mabilis na pag-unlad ng nasabing teknolohiya.
Binigyang diin ng kalihim, ang posibilidad na maraming mawawalan ng trabaho at may mga unemployed ang magkakaroon ng trabaho.
Matatandaang isang resolution no. 591 ang inihain sa senado ni Senator Imee Marcos, chairman ng Senate Committee On Social Justice, Welfare, and Rural Development, para busisiin ang paggamit ng A.I. at ang posibleng pagkaka-echapwera sa mga manggagawa sa services and manufacturing sector.
Sinabi ni Sen. Marcos na maraming trabaho ang maaapektuhan sa paglulunsad ng ai partikular na sa mga Business Process Outsourcing (BPO) maging ang mga original equipment manufacturing.
Ayon kay Sec. Uy, kailangang sanayin sa ibat-ibang gawain ang mga pilipino lalo na sa paggamit ng ai bilang isang tool at hindi para magpaalipin dito.
Batay sa prediksiyon at pag-aaral ng oxford economics at U.S. based digital technology company na CISCO, tinatayang nasa 1.1 milyong mga trabaho sa pilipinas ang malulusaw o mawawala pagsapit ng taong 2028 dahil sa AI.