Target ng DICT o Dept. of Information and Communications na mabigyan ng mabilis, mura at epektibong internet access ang lahat ng panig ng bansa bago magtapos ang Duterte administration.
Ayon kay DICT Undersecretary Eliseo Rio, sa ngayon ay animnapung porsyento ng Pilipinas ang may access sa internet samantalang ang apatnapung porsyento ay kapos o kaya ay wala pang internet access.
Nailatag na anya nila ang national broadband plan kung saan gagastos ng mahigit sa pitumpu’t pitong bilyong piso ang pamahalaan para magtayo ng imprastraktura sa telekomunikasyon ang pamahalaan.
“Ito pong mga member ng top telco at ‘yung ating Cable-TV operators, ‘yung nagbibigay ng Cable-TV sa probinsya, sila po ‘yung pwede nating gamitin na magbigay ng mahusay na serbisyo, at ang gobyerno ang magbibigay sa kanila ng imprastraktura para sila ay makapagbigay pa ng mas mahusay na serbisyo.” paliwanag ni Rio sa panayam sa DWIZ
Aminado ang DICT na kulelat ang Pilipinas pagdating sa bilis at pagiging episyente ng internet connection kumpara sa mga karatig nitong bansa.
Ayon kay Rio, sa ngayon ay umaabot lamang sa labing anim na libo ang cell sites sa Pilipinas kumpara sa Vietnam na may pitumpung libong cell sites.
Ito anya ang dahilan kaya’t sa ilalim ng national broadband plan, papasok na bilang player sa larangan ng telekomunikasyon ang pamahalaan.
“Itong mga bansa sa paligid natin, may investment diyan ang gobyerno sa telecommunication, ang gobyerno minsan ang naglagay ng mga cell site towers, mga common towers, paglatag ng kable. Ang lahat ng mga imprastraktura sa telecommunication are private investments.” paliwanag ni Rio
By Len Aguirre
DICT target na mabigyan ng mabilis at epektibong internet access ang buong bansa was last modified: June 26th, 2017 by DWIZ 882